Bisa ng Kulturang Popular sa Akademikong Programa sa Pagbasa at Pagsulat

AUTHOR/S: Zaynab A. Cortez, Francis Rodolfo M. Marcial, Jr., Mesfah G. Isunza

DATE COMPLETED: February 18, 2019

ABSTRACT

Naging talamak sa kabataan sa kasalukuyan ang pagtangkilik sa mga kulturang popular sa maraming aspekto ng kanilang buhay. Hindi maikakailang maging sa kanilang pagkatuto ay naaapektuhan ng kulturang popular ang kanilang gawi, pananaw at intensyon sa pagpasok sa paaralan.

Noong 2016, sa ginawang sarbey ng mga mananaliksik, lumabas na talamak ang paggamit ng cellphone partikular ang application na Facebook bilang pinakapopular na social networking site. Ang Facebook ay may group chat application na ginagamit na ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral kahit na hindi itinakda ng guro. Talamak din ang paggamit ng Youtube bilang libangan at sanggunian ng mga aralin sa halip na aklat.

Naging malaking balakid sa mga guro sa Filipino ang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa at pagsulat sa akademikong Filipino kaya nakikita na isang posibleng solusyon sa suliraning nabanggit ang pagsanib ng kulturang popular sa paglinang ng mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat.

Pagkatapos isakatuparan ang pagsanib ng kulturang popular, partikular ang Facebook, sa paglinang ng kasanayan sa pagsulat at pagbasa, at Youtube sa paglinang ng kasanayan kaugnay ng talasalitaan at paghihinuha, lumabas sa pag-aaral na higit na nagpakita ng kahusayan sa mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat ang mga mag-aaral na nakaranas ng kulturang popular bilang bahagi ng kanilang pagkatuto kompara sa mga mag-aaral na sumailalim ng mga pamamaraang malayang talakayan at pamamaraang kooperatibo, kahit na parehong instrumento ang ginamit sa pagsukat.

Kaugnay ng positibong resulta ng pag-aaral, iminumungkahi na pagtibayin ang mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat sa akademikong Filipino nang isinasaalang-alang ang mga kulturang popular na tinatangkilik ng mga mag-aaral sapagkat napupukaw nito ang interes at higit na malawak ang pagkakataon upang paghusayin ang mga kasanayan dahil sa katangian taglay ng kulturang popular tulad ng Facebook at Youtube.
Mahalagang may sapat na kahandaan ang guro at paaralan sa kabuoan sa pamamahala ng paggamit cellphone lalo’t konektado sa Internet. Parehong kahalagahan sa bisa sa pagkatuto ang dapat isaalang-alang ng administrasyon sa paglilimita ng Internet accessibility sa mga social media site sapagkat hindi na mahihiwalay sa kabataang mag-aaral ang mga kulturang popular gaya ng mga ito.

 

 

  Request for Full Article (Please fill in the needed details. We will promptly respond to your request thru your e-mail.)

[contact-form-7 404 "Not Found"]